Miyerkules, Enero 25, 2012

KUNG AKO'Y ISANG MATAYOG NA PUNO






                                            
Sa mga oras na ako'y nalulungkot ay wala akong ibang ginagawa kundi ang magbalik tanaw sa aking nakaraan. Maraming alaala ang gusto kong balikan pero masyadong malabo ang mga imahe na nabubuo sa aking isipan . Hindi naman ako nagyayabang dahil sa ako'y wala namang ipagmamayabang. Ang tanging hiling ko lang ay malaman kung ano ako noon at sa mga darating pang araw.

Tuwing pipikit ang aking mga mata ay tanging isang puno lamang ang aking nakikita. Isang punong matayog at malusog. Madalas kong ikumpara ang aking sarili dito. Sana tulad nya din akong matapang, matayog at kapakipakinabang sa mga taong nasa paligid. Sana'y ako'y isang puno na napapalibutan din ng mga kapwa ko puno.

Madalas kong marinig ang mga 'di pamilyar na boses. Mga tinig na lalong nagpapagulo sa aking isip at buhay. Marami silang sinasabi na nakakapanakit at nakakababa ng tingin sa sarili. Pero tikom pa rin ang aking bibig dahil sa ako'y umaasa  na sa aking pananahimik ay mananahimik din sila. Totoo ngang minsan ay nakakapagod nang magsalita. Mas mabuti pang ibulong mo na lang sa hangin kesa iparating mo sa mga taong 'di naman marunong makinig at tumanggap ng kanilang mga pagkakamali.

Marami na akong nagawang pelikula.Pero bakit hanggang ngayon ay wala pa din ang aking tropeo? Ang tropeo na dapat ay matagal ko nang natanggap para sa aking magaling na pagganap sa mga pelikula ng aking buhay. Ako na nga ang direktor, artista, cameraman at tagapanood, ako pa din ba ang magpaparangal sa aking sarili?


Hindi pa ba kayo sawa? Lagi na lang kayo! Pwede bang ako naman? Kayo naman ang pumikit at managinip habang ako naman ay didilat para makita ko ang reyalidad na matagal nang pinagkait sa akin. Magbigay naman kayo! Hindi 'yung kayo na lang lagi. Hindi lang kayo ang tao sa mundo kaya 'wag kayong makasarili. May mga bagay din na para sa akin na dapat ay akin lang. Ang inyo ay inyo at ang akin ay akin.


Gusto ko nang wasakin ang mga bagay na aking nilikha para aking paniwalaan. Mga bagay na nabubuhay lamang sa aking guni-guni. Mga bagay na hinding-hindi ko makikita sa aking pagdilat. Pagod na ako sa pananaginip. Pagod na pagod na.

Higit sa lahat ay gusto ko na ding lumayo. Gusto kong liparin ng hangin hanggang sa marating ko ang isang lugar na walang makakakilala sa akin. Kung saan walang mananakit at pwede akong mamuhay ng masaya. Isang lugar na hindi alam kung ano ang pangalan ko. Gusto kong makalimot at gusto kong ako'y inyong makalimutanAng pangalang gamit ko at ang mukhang ito ay nararapat lamang na hindi na makilala dahil sa ako'y pagod na.



1 komento:

  1. be like a tree..standing tall, strong, full of fruits..but your roots should be rooted deep in the ground....

    TumugonBurahin