Bakit nga ba tayo nandito? Madilim ang paligid na nababalot ng mga matitingkad at nagmumurang katawan na nagpapainit kahit malamig ang paligid. Isang buwan mong inabangan at ngayon ay nandito ka na. Handang-handa na para tahakin ang makamundong daigdig na gagambalain ang nahihimbing mong damdamin. Habang madami ang nandidiri at galit na galit sa industriyang walang ibang ginawa kundi buksan ang ating mga kaisipan tungkol sa mga makatotohanang nagaganap sa lipunang iyong kinabibilangan ay 'di ka pa rin nagpatinag, heto ka't sabik na sabik at pawis na pawis habang matiyagang naghihintay para sa pagbubukas ng makamundong mundo at hayaang maglaro ang iyong isipan hanggang sa marating ang rurok ng kaligayahan. Sa dinami-dami nating mga tagapanood ay naitanong mo na din ba sa sarili mo kung gaano na kadami ang naintindihan mo? Para saan ba ang paggasta mo para sa mga pelikulang ito? Para lang ba matugunan ang tawag ng iyong laman? Ang buhay ay masyadong maligalig na dapat maunawaan at hindi dapat kinukumplika ng mga taong walang ibang ginawa kundi bulagin ang ating mga mata para tuluyang hindi masilayan ang mga salita at gawang karaniwang nakikita at nadidinig lamang ng mga taong bukas ang isipan. Naitanong mo din ba sa iyong sarili kung sino ang mga tao sa likod ng produksyon? Saan nila kinukuha ang mga ideya para makabuo ng epektibo at makatotohanang tagpo? Wala namang ibang pagkukunan kundi tayo, tayong mga tao at ang paligid na nakikita ng ating mga mata. Tayo ay nasa isang demokratikong bansa na napagkalooban ng malayang pamamahayag, pero malaya ba talaga nating naipapahayag ang ating mga nararamdaman gamit ang iba't ibang pamamaraan? Hangga't may mga taong nakasara ang isipan ay patuloy na magsusungit ang lipunan dahil sa ito'y natatakpan at napagiiwanan. Wala namang masama na tangkilikin ang mga pelikulang umiikot lamang sa pag-ibig, katatawanan, at aksyon na halos nagliliparan na ang mga tao at sasakyan. Pano na ang pulitika, prostitusyon, droga at kung anu-ano pa. Wala tayong ibang hiling kundi ang maunawaan, pero papel din natin ang unawain at ipatindi sa mapanghusgang lipunan kung ano ang mali sa tama at tama sa mali.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento